Maiksi lang ang taon ng paglalaro ng mga propesyunal na manlalaro ng football sa NFL (National Football League). Karaniwan 3.3 taon lang, ayon sa statista.com. Pero dalawangpu’t dalawang taon nang naglalaro sa NFL noong 2021 ang apatnapu’t dalawang taong gulang na quarterback na si Tom Brady. Paano? Baka dahil sa mahigpit niyang disiplina sa pagkain at ehersisyo.
Dahil sa pitong singsing na tanda ng pagkapanalo ng koponan niya sa NFL, kinilala si Brady bilang G.O.A.T. (Greatest Of All Time) sa NFL. Hindi niya makakamtan iyon kung ’di niya itinuon at hinubog ang buhay niya para maging magaling siyang manlalaro ng football.
Kinilala rin naman ni Apostol Pablo ang disiplina ng mga atleta noong panahon niya (1 Corinto 9:24). Nakita rin niyang gaano man sila kagaling at katanyag, kumukupas pa rin ang galing at kasikatan nila. Pero may pagkakataon tayong mamuhay para sa kaluwalhatian ni Cristo sa paraang makakaapekto sa panghabang panahon. Kung ang mga atleta nagsisikap nang matindi para sa panandaliang gantimpala, paano pa tayong nabubuhay para sa gantimpalang panghabang panahon (Tal. 25)?
Hindi tayo nagsasanay para magkaroon ng kaligtasan. Habang lalo nating naiintindihan kung gaano kahanga-hanga ang kaligtasang natanggap natin, nahuhubog nito ang pananaw, prayoridad, at dahilan ng buhay natin habang tapat nating tinatakbo ang karera ng pananampalataya sa kalakasan ng Dios.