Tila ramdam ni Inay ang panganib kahit malayo pa. Isang beses, matapos ang mahirap na araw sa paaralan, sinubukan kong itago ang nadaramang kabiguan para sana walang makapansin.

Pero tinanong ako ni Inay, “Ano’ng problema?” Dagdag pa niya, “Bago mo sabihing wala, tandaan mo ako ang nanay mo; ako ang nagluwal sa’yo at mas kilala kita kaysa sarili mo.” Madalas niyang ipaalala sa akin na nakakatulong sa kanya ang malalim na pagkakakilala sa akin para nasa tabi ko siya kapag kailangan ko.

Bilang sumasampalataya kay Jesus, alaga tayo ng Dios na nakakakilala sa atin nang lubos. Pinuri naman ni Haring David ang mapagbantay niyang kalinga sa buhay ng mga anak Niya sa sinabing, “Ako’y Iyong siniyasat, batid Mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak Mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa Iyo ay hindi lingid, kahit Ikaw ay malayo, batid Mo ang aking isip (Salmo 139:1-2).

Dahil kilala tayo ng Dios at alam Niya lahat ng iniisip, ninanais, at ginagawa natin – wala tayong mapupuntahan na lampas sa hangganan ng lubusang pagmamahal at pag-aalaga Niya (Tal. 7-12). Sinulat ni David na kahit pa “ang tirahan ko’y duluhan ng kanluran, tiyak Ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan (Tal. 9-10). Maaari tayong mapanatag sa kaalamang kahit ano ang sitwasyon natin sa buhay, kapag nanalangin tayo sa Dios, hahandugan Niya tayo ng pagmamahal, katalinuhan, at gabay na kailangan natin.