Litson manok, berdeng gulay na may buto, Spaghetti, at kanin. Higit sa limampu’t apat na taong nakatira sa kalye ng Chicago ang nakatanggap nito bilang pagdiriwang ng ika limampu’t apat na kaarawan ng isang babae. Napagkasunduan nilang magkakaibigan na imbes na maghapunan sa restawran na karaniwan nilang pagdiriwang, magluluto na lang sila at mamamahagi ng pagkain. Sa social media, hinikayat niya ang iba na gumawa ng kabutihan bilang regalo sa kanya.
Naalala ko ang sinabi ni Jesus sa Mateo 25: “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, sa Akin ninyo ito ginawa’” (Tal. 40). Sinabi Niya ito makatapos ihayag na aanyayahan sa Kanyang kahariang panghabang panahon ang mga tupa Niya para tanggapin ang kanilang gantimpala (Tal. 33-34). Sa araw na iyon, kikilalanin sila ni Jesus bilang mga taong nagpakain at nagbihis sa Kanya dahil sa tapat na pananampalataya nila, na iba sa yabang ng mga relihiyosong tao na hindi nanalig sa Kanya (tingnan 26:3-5). Kahit pa nga tatanungin ng mga matuwid kung kailan nila pinakain at binihisan si Jesus, titiyakin ni Jesus sa kanila na ang ginawa nila para sa ibang tao, ginawa rin nila sa Kanya.
Pagpapakain sa mga nagugutom. Isang paraan lang ito ng tulong ng Dios sa atin na pangalagaan ang nilikha Niya. At ipinapakita nito ang pagmamahal at maayos na relasyon natin sa Dios. Tulungan nawa Niya tayong makatulong sa iba ngayon.