Isang ahas na may kalansing sa buntot ang rattlesnake. Kung nakakita ka na nito nang malapitan, marahil napansin mong mas mabilis ang kalansing ng ahas habang papalapit ang inaakalang banta sa kanya. Pinatunayan ito ng pagsasaliksik na nailathala sa scientific journal na Current Biology. Dahil mas madalas ang kalansing, iisiping malapit na ang ahas kahit may kalayuan pa. Sabi nga ng isang mananaliksik, “Ang maling akala ng nakakarinig... dahilan ng pagpapanatili ng ligtas na distansya.”

Minsan ang tao rin tila humihiyaw ng babala gamit ang masasakit na salita na nagtutulak sa ibang tao palayo kapag may alitan. Halimbawa nito ang pagpapakita ng galit at pagsigaw. May payo sa Mga Kawikaan para sa ganitong pagkakataon: “Ang malumanay na sagot, nakakapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ‘di mawawaglit” (15:1). Dagdag din niya na “nagpapasigla sa buhay” at “nagkakalat ng karunungan” ang magiliw na salita at labi ng may unawa (Tal. 4, 7).

Ibinigay ni Jesus ang pinakadahilan ng mahinahong pakikitungo sa mga kaalitan natin: pagpapalawig ng pag-ibig na nagpapatunay na anak tayo ng Dios (Mateo 5:43-45) at pakikipagkasundo – para mapanumbalik ang magandang samahan (18:15). Kaysa magtaas ng boses at gumamit ng masasakit na salita kapag may alitan, kumilos nawa tayo nang may paggalang, karunungan, at pag-ibig sa kapwa sa gabay ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.