Si Dr. Rebecca Lee Crumpler (1831-95) ang kauna-unahang babaeng Aprikano-Amerikanong nagtapos ng pag-aaral para maging doktor. Pero malimit siyang hindi pinansin, minaliit, at itinuring na walang halaga. Kahit ganoon ang naranasan, nagpatuloy siyang tapat sa panggagamot para tuparin ang layunin niya.

Kahit may mga taong piniling sukatin ang pagkatao niya ayon sa kanyang lahi at kasarian, lagi siyang “may panibago at matapang na kahandaan na pumunta kung saan at kailan kailanganin ng tungkulin” at iyon na nga ang ginawa niya.

Paniwala niyang paglilingkod sa Dios ang paggamot sa mga babae at bata at pagbibigay ng atensyong medikal sa mga napalayang alipin. Nakakalungkot na hindi siya nakatanggap ng pormal na pagkilala para sa mga nagawa niya hanggang makalipas ang halos sandaang taon.

May mga panahong makakaligtaan tayo, mamaliitin, at hindi pahahalagahan ng mga nasa paligid natin. Pero paalala sa atin ng karunungang hango sa Biblia na kapag tinawag tayo ng Dios para sa isang gawain, hindi tayo dapat nakatuon sa pagtanggap ng pagkilala ng mundo kundi gawin “nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod” (Colosas 3:23).

Kapag nakatuon ang paglilingkod sa Dios, magagawa nating pagtagumpayan kahit ang mga mahihirap na gawain nang may sigla at galak sa kalakasan at pangunguna ng Dios. Dahil dito, maaari tayong mas hindi maghangad ng pagkilala ng mundo at maging mas sabik na matanggap ang gantimpalang Dios lang ang makapagbibigay (Tal. 24).