Kakabuo pa lang ng grupo para sama-samang mag-aral ng Biblia pero naging malalim agad ang pagbabahagi namin ng buhay namin sa isa’t isa. Sunud-sunod kasi ang trahedyang hinarap ng mga kasapi. May nawalan ng ama, may hinarap ang pagdating ng araw ng anibersaryo ng kasal makatapos ang paghihiwalay, may nanganak ng sanggol na bingi, may isinugod sa ospital ang anak. Sobrang bigat ng mga pasaning ito para kargahin ng isang tao.
Ang pagiging totoo at bukas ng isa sa tunay na pinagdadaanan ang nagbigay daan para maging bukas din at totoo ang iba pa. Sama-sama kaming umiyak at nanalangin. Kahit na hindi kami magkakakilala sa simula, naging malapit na magkakaibigan agad kami.
Bilang kabahagi ng simbahan, maaaring maging kaagapay ang mga sumasampalataya kay Cristo sa pagdurusa ng bawat isa. Hindi nakabatay sa tagal ng pagkakakilala o mga bagay na pagkakapareho ang pagkakaugnay ng mga magkakapatid sa Panginoong Jesus. Bagkus, ginagawa natin ang sinabi ni Apostol Pablo, “Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa” (Galacia 6:2). Sa tulong at kalakasan ng Dios, nakikinig tayo at nagdadamayan, tumutulong kung saan kaya, at nananalangin.
Puwedeng humanap ng pagkakataon para “gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (Tal. 10). Sabi ni Pablo na kapag ginawa natin ito, “matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo” (Tal. 2) na mahalin ang Dios at kapwa na parang sarili.
Minsan mabigat ang pasanin sa buhay pero ibinigay ni Jesus ang pamilyang simbahan para pagaanin ang dalahin.