Nokia ang kumpanya ng cellphone na pinakamataas sa bentahan noong 1998. Halos apat na bilyong dolyar ang kita noong 1999, pero noong 2011, mahina na ang benta. Kinalaunan binenta na ang tatak ng telepono sa Microsoft. Isang dahilan ng pagbagsak ng sangay ng kumpanya ang kultura ng pagtatrabaho na balot ng takot na nagbunga ng mga nakakapinsalang desisyon. Takot magsabi ng totoo ang mga tagapamahala tungkol sa kahinaan at problema sa disensyo ng cellphone kasi baka mawalan sila ng trabaho.
Natakot din naman sina Haring Ahaz ng Juda at mga nasasakupan niya. “Nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin” (ISAIAS 7:2). Alam nilang nagkampihan ang hari ng Israel at Aram at palusob na sa Juda ang pinagsamang hukbo (TAL. 5-6). Pinalalakas ng Dios ang loob ni Ahaz; sinabi sa kanya ni Propeta Isaias na hindi mangyayari ang masamang balak ng kalaban (TAL. 7). Pero sa takot ng hangal na pinuno, umanib siya sa Asiria at nagpasailalim sa hari ng makapangyarihang bansa (2 HARI 16:7-8). Hindi niya pinaniwalaan ang Dios na nagsabing, “Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Dios” (ISAIAS 7:9).
Tinutulungan tayo ng sumulat ng Mga Hebreo na maintindihan kung ano ang pagtayo sa paninindigan sa pananampalataya ngayon: “Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag- alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin” (HEBREO 10:23). Sumulong nawa tayo at huwag tumalikod (TAL. 39) habang pinapalakas tayo ng Banal na Espiritu na magtiwala kay Jesus.