May pagdadaanan akong pagsusuring medikal at kahit na wala naman akong sakit noong mga nakaraang buwan, takot pa rin ako. Kahit na matagal na ang pangyayari, nabagabag pa rin ako ng alaala ng hindi inaasahang pagkadiskubre ng sakit ko dati. Alam kong kasama ko ang Dios at dapat magtiwala lang ako sa Kanya, pero natakot pa rin ko.

Nadismaya ako sa takot ko at kakulangan ng tiwala sa Dios. Kung lagi kong kapiling ang Dios, bakit ako nakakaramdam ng pagkabalisa? Isang umaga, pakiwari ko ipinaalala sa akin ng Dios ang kuwento ni Gideon.

Kahit na tinawag na “makapangyarihang mandirigma” (HUKOM 6:12), natakot si Gideon sa tungkuling atakihin ang mga Midianita. Kahit ipinangako sa kanya ng Dios ang Kanyang pagkilos at pagwawagi, nanghingi pa rin si Gideon ng maraming kasiguraduhan (TAL. 16-23, 36-40).

Naintindihan ito ng Dios. Sa gabi ng pagsugod, siniguro ng Dios kay Gideon ang tagumpay at binigyan pa Niya ito ng paraan para mapayapa ang kanyang takot (7:10-11).

Naintindihan din ako ng Dios. Pinapanatag Niya ang kalooban ko at binigyan ako ng tapang na magtiwala sa Kanya. Nakaranas ako ng kapayapaan dahil alam kong kasama ko Siya kahit ano ang maging resulta ng pagsusuring medikal. At ang resulta ng pagsusuri – wala naman akong sakit.

Naiintindihan ng Dios ang takot natin at pinapanatag Niya tayo gamit ang Biblia at Banal na Espiritu (SALMO 23:4; JUAN 14:16-17). Sambahin natin Siya sa pagpapasalamat, tulad ng ginawa ni Gideon (HUKOM 7:15).