Pahimbing na sana ako sa biglaang pag-idlip nang biglang tumugtog ng gitarang dekuryente ang anak kong lalaki sa ibaba ng bahay namin. Ramdam ang dagundong sa pader. Walang katahimikan. Walang tulog. Saglit lang ang nakalipas may kalaban na ang ingay ng gitara: ang anak kong babae nagpapatugtog ng Amazing Grace sa piano.
Karaniwang natutuwa ako ‘pag naggigitara ang anak ko. Pero hindi noong oras na iyon. Pero mabilis ang paalala ng pamilyar na awitin ni John Newton (Amazing Grace) na namumulaklak ang kagandahang-loob ng Dios kahit sa kaguluhan. Gaano man kaingay, hindi kanais-nais, o nakalilito ang mga pagsubok sa buhay, malinaw at totoo pa rin ang tunog ng kagandahang-loob ng Dios, at pinapaalala sa atin ang mapagmatyag Niyang pag-aalaga sa atin.
Nakikita rin iyan sa Biblia. Sa Salmo 107:23-32, buong lakas na nilalabanan ng mga mandaragat ang bagyo na kayang-kaya silang lamunin. “Dahil sa panganib, ang pag-asa nila ay halos mawala” (TAL. 26). Ngunit hindi sila nagpadaig: “Kay Yahweh sila ay tumawag, dininig nga sila at sa kahirapan, sila’y iniligtas” (TAL. 28). At “nang tumahimik na, sila ay natuwa... at natamo nila ang kanilang pakay sa ibayong dagat” (TAL. 30).
May banta man sa buhay o sa tulog, parang bagyo sa kalooban ang sunud-sunod na pagdating ng ingay at takot. Pero sa patuloy na pagtitiwala at pagdadasal sa Dios, nararamdaman natin ang biyaya ng pagkilos Niya at pagtustos – ang kanlungan ng Kanyang wagas na pag-ibig.