Minsan, isinuot ko ang bago kong salamin sa mata nang pumunta ako sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Nang makaupo na ako, nakita ko ang aking kaibigang nakaupo sa kabilang dulo. Kumaway ako sa kanya at kitang-kita ko siya nang malinaw. Parang napakalapit niya sa akin. Pagkatapos ng pagtitipon, napansin kong iyon naman pala ang lagi niyang inuupuan. Sadyang naging malinaw lang ang aking paningin dahil sa bago kong salamin.

Sinabi naman ng Dios noon kay Propeta Isaias na kailangan ng mga Israelitang bihag ng Babilonia na magkaroon ng bagong pagtingin o pananaw sa kanilang buhay. Sinabi pa ng Dios, “Masdan mo, Ako ay gagawa ng isang bagong bagay…Gagawa Ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito” (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 43:19 ᴍʙʙ). Kalakip din sa mga sinabi ng Dios ang mensahe ng pag-asang pagpapaalalang sila ay mga nilikha at iniligtas ng Dios. Ipinaalala pa ng Dios na lagi Siyang nariyan para samahan sila. Pinalakas pa ng Dios ang loob ng mga Israelita sa pagsasabing, “Tinawag Kita sa iyong pangalan, ikaw ay Akin” (ᴛᴀʟ. 1).

Anuman ang sitwasyong ating hinaharap, umasa tayo sa paggabay ng Banal na Espiritu upang magkaroon tayo ng bagong pananaw. Nang sa gayon, maging malinaw at maayos ang gagawin nating pagdedesisyon sa buhay. Minamahal tayo ng Dios (ᴛᴀʟ. 4), at nais Niya na makita natin iyon sa mga nasa paligid natin. Nakikita mo ba ang pagkilos ng Dios sa panahong nahihirapan ka? Magtiwala tayo sa Dios at tandaang kumikilos Siya para tulungan tayo.