Malagim na pinaslang si Dr. Martin Luther King Jr. sa kasagsagan ng kilusang pangkarapatang pantao sa Amerika noong 1960s. Ngunit makalipas lamang ang apat na araw, matapang na humalili ang kanyang maybahay na si Coretta Scott King upang pamunuan ang mapayapang martsa ng protesta. Malalim ang pagmamahal ni Coretta sa katarungan at masigasig niyang itinaguyod ang maraming adhikain.
Sinabi naman ng Panginoong Jesus, “Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios, dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon” (ᴍᴀᴛᴇᴏ 5:6). Alam nating darating ang panahong ihahatid ng Dios ang katarungan at itutuwid ang lahat ng mali. Ngunit habang hinihintay iyon, maaari tayong makibahagi sa paghatid ng katuwiran ng Dios dito sa mundo tulad ng ginawa ni Coretta. Malinaw na inilalarawan sa Isaias 58 kung ano ang inaasahan ng Dios mula sa Kanyang bayan: kalagin ang tanikala ng kawalan ng katarungan...palayain ang inaapi... ibahagi ang pagkain sa nagugutom...bigyan ng tirahan ang mga dukhang palaboy...damitan ang hubad...at huwag talikuran ang mga nangangailangan (ᴛᴀʟ. 6–7). Ang paghahangad ng katarungan para sa mga inaapi at nasa laylayan ay isang paraan upang maipahayag natin ang Dios. Ayon kay Isaias, parang liwanag ng bukang-liwayway na nagdudulot ng kagalingan ang pagkilos para sa katarungan (ᴛᴀʟ. 8).
Nawa’y tulungan tayo ng Dios na palaguin ang ating pagnanais para sa Kanyang katuwiran dito sa mundo. Habang humahanap tayo ng katarungan sa paraan at kapangyarihan ng Dios, sinasabi ng Bibliya na tayo’y masisiyahan.