Isang umaga, ilang taon na ang nakalilipas, nakaupo ako sa aking upuan nang biglang bumaba ang aking bunsong anak. Tumakbo siya papunta sa akin at sumampa sa aking kandungan. Niyakap ko siya at hinalikan sa ulo. Tumawa siya nang masaya. Pero maya- maya, kumunot ang kanyang noo. Tiningnan niya nang masama ang tasa ng kape sa aking kamay. “Tatay,” sabi niya, “Mahal kita, pero hindi ko gusto ang amoy mo.”
Hindi alam ng aking anak na sa kanyang inosenteng salita, nagsalita siya nang may kagandahang-loob at katotohanan. Ayaw niyang masaktan ako, pero kailangan niyang sabihin ang kanyang nararamdaman. Minsan, kailangan din nating gawin ito sa iba.
Sa Efeso 4 naman, hinihikayat tayo ni Apostol Pablo kung paano dapat makitungo sa isa’t isa. Sinabi ni Pablo, “Magpakumbaba kayo at maging mahinahon; magtiyaga kayo at magtiis sa isa’t isa dahil sa pag-ibig” (ᴛᴀʟ. 2). Ang pagpapakumbaba, kahinahunan, at pagtitiyaga ang magiging pundasyon ng ating relasyon. Kapag hinubog ng Dios ang mga katangiang ito sa ating buhay, mas madali tayong makakapagsalita ng “katotohanan sa pag-ibig” (ᴛᴀʟ. 15) at iparating kung ano ang makakabuti para sa iba batay sa kanilang mga pangangailangan (ᴛᴀʟ. 29).
Walang gustong mapuna ang kanilang kahinaan o mga bagay na hindi nila nakikita sa sarili nila. Ngunit kapag may “mabaho” sa atin, maaaring gamitin ng Dios ang mga tapat na kaibigan para magsalita sa ating buhay nang may kagandahang-loob, katotohanan, pagpapakumbaba, at kahinahunan.