Dumalo sa high school reunion ang kaibigan kong si Ruel. Ginanap iyon sa bahay ng isang dati nilang kaklase. Mala-mansyon ito na nasa tabing-dagat, malapit sa Manila Bay. Dahil dito, nakaramdam ng pagkainggit si Ruel.
“Marami akong masasayang taon sa paglilingkod bilang pastor sa mga malalayong baryo,” kuwento ni Ruel sa akin, “pero kahit alam kong hindi dapat, hindi ko maiwasang mainggit sa yaman ng kaklase ko. Napaisip ako kung ano ang kaibahan ng buhay ko kung ginamit ko ang aking natapos sa pag-aaral para maging negosyante.”
Pero sinabi ni Ruel habang nakangiti, “Pinaalala ko sa sarili kong wala akong dapat kainggitan. Inilaan ko ang buhay ko sa paglilingkod sa Dios, at pangwalang-hanggan ang bunga nito.” Hindi ko malilimutan ang mapayapang mukha niya habang sinasabi niya iyon.
Maihahalintulad ang kapayapaang naranasan ni Ruel sa mga parabula ni Jesus sa Mateo 13:44−46. Alam niyang kaharian ng Dios ang pinakamahalagang kayamanan. Maaaring magkakaiba ang paraan natin upang mamuhay para sa kaharian ng Dios. Para sa ilan, nangangahulugan ito ng full-time na paglilingkod. Para sa iba naman, nangangahulugan ito ng pamumuhay ng Ebanghelyo sa trabaho. Sa anumang paraan tayo tinawag ng Dios, maaari tayong magpatuloy sa pagtitiwala at pagsunod sa Kanya. Tulad ng mga tauhan sa mga parabula ni Jesus, napakahalaga ng kayamanang walang hanggan na ipinagkaloob sa atin. Walang halaga ang lahat ng bagay sa mundo kumpara sa mga matatamo natin sa pagsunod sa Dios (1 ᴘᴇᴅʀᴏ 1:4−5). Tandaan natin: magbubunga ng pangwalang-hanggan ang ating buhay kapag ipinagkatiwala natin sa kamay ng Dios.