Nagulat ako nang makatanggap ako ng regalo mula sa aking kaibigan. Para sa akin kasi, hindi ako karapat-dapat na makatanggap ng ganoong regalo mula sa kanya. Hindi ko inakalang bibigyan niya ako ng regalo dahil narinig niyang stressed ako sa trabaho. Dahil alam kong higit siyang stressed sa akin, hindi lamang sa trabaho, kundi maging sa inaalagaang magulang, makukulit na anak, at pagsubok sa kanilang mag-asawa. Naiyak ako sa kanyang regalo dahil hindi ako makapaniwalang inuna pa niya ako kaysa sa kanyang sarili.
Sa totoo lang, tumanggap din tayong lahat ng regalong kailanman hindi tayo magiging karapat-dapat. Tulad nga ng sinabi ni Apostol Pablo, “naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat” (1 ᴛɪᴍᴏᴛᴇᴏ 1:15). Sapagkat kahit na nilapastangan, inusig, at nilait niya ang Panginoon, pinagkalooban pa rin siya ng Dios ng kagandahang-loob (ᴛᴀʟ. 13-14). Lubos na naunawaan ni Pablo ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus. Kaya bilang tugon, ibinahagi ni Apostol Pablo sa iba ang ginawa ng Dios sa kanyang buhay.
Dahil din sa kagandahang-loob ng Dios sa atin, nakatanggap tayo ng pagmamahal at awa, sa halip na panghuhusga. Ngayon, ipagdiwang nating lahat ang kagandahang-loob na ibinigay ng Dios sa atin, kahit pa hindi tayo karapat-dapat. Maging daan na rin nawa tayo upang maipakita ito sa iba.