Kamakailan lamang, habang naglilinis kami ng aking asawa, napansin ko ang dumi sa aming puting sahig. Nahirapan akong linisin ito. Dahil habang nagkukuskos ako, napansin
kong parang mas lalong dumarami ang nakikita kong dumi. Sa huli, napagtanto kong kahit anong kuskos ang gawin ko sa aming sahig, hindi ko na ito muling mapapaputi.
Parang ganito rin naman ang nakasulat sa Kasulatan tungkol sa sarili nating paglilinis sa ating nagawang kasalanan. Noong mawalan ng pag-asa ang mga Israelita, ang mga taong nakatanggap ng pagliligtas ng Dios (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 64:5), sinabi ni Propeta Isaias: “Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan” (ᴛᴀʟ. 6).
Ngunit alam ni Isaias na mayroong pag-asa: ang kabutihan ng Dios. Dahil dito, nanalangin siya, “Pero, Panginoon, Kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad Ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik” (ᴛᴀʟ. 8). Alam din ni Isaias na ang Dios lamang ang Siyang tunay na makakapaglinis ng anumang kasalanang hindi natin kayang linisin, hanggang sa “magiging mapuputi na parang niyebe” (ᴛᴀʟ. 1:18 ᴀʙᴀʙ).
Hindi natin kailanman malilinis ang mga nagawa nating mga kasalanang nagpadumi sa atin. Kaya magpasalamat tayo sa kaligtasang ibinigay ng Nag-iisang makapagpapalinis muli sa atin (1 ᴊᴜᴀɴ 1:7).