Para akong pinagsakluban ng langit at lupa,” sabi ni Jojie. “Sa sobrang pagkabigla ko, para akong binuhusan ng malamig na tubig.” Natuklasan niya kasing may ibang babae ang kanyang fiancé. Ganito rin nagtapos ang kanyang naunang relasyon. Kaya nang marinig niya ang tungkol sa pag- ibig ng Dios sa isang Bible study, hindi maiwasan ni Jojie na magtanong: Isa na naman bang panloloko ito? Masasaktan ba ako kung maniniwala ako sa sinasabi ng Dios na mahal Niya ako?

Katulad ni Jojie, maaaring takot na tayong magtiwala sa iba dahil sa mga pangit na karanasan natin sa ating mga relasyon. Maaaring ganito rin ang pakiramdam natin sa pag-ibig ng Dios. Baka iniisip nating patibong lang ito. Pero hindi. “Ipinadama ng Dios ang Kanyang sariling pag-ibig sa atin: habang tayo’y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin” (ʀᴏᴍᴀ 5:8).

“Sa huli, napagtanto kong napatunayan na ng Dios ang pag-ibig Niya nang mamatay Siya para sa akin,” sabi ni Jojie. Napagtanto ng kaibigan kong ang Dios mismo ang lumapit sa atin nang magkasala at mahiwalay tayo sa Kanya. Ibinigay ng Dios ang Kanyang Anak na si Jesus upang mamatay para sa atin (ʀᴏᴍᴀ 5:10; 1 ᴊᴜᴀɴ 2:2). Dahil dito, napatawad ang ating mga kasalanan at may pag-asa tayo sa buhay na walang hanggan kasama Niya (ᴊᴜᴀɴ 3:16).

Tuwing mag-aalinlangan tayo kung talagang maaasahan natin ang pag-ibig ng Dios, alalahanin natin ang pag-aalay ni Cristo ng Kanyang buhay para sa atin. Mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang pangakong pag-ibig dahil tapat Siya.