Pagkatapos ng pagbaha noong 2016 sa timog Louisiana, nakita ko ang post ng isang kaibigan sa social media. Nang matanto ng nanay niyang kailangan nang gibain at muling itayo ang kanilang bahay, pinayuhan niya ang kaibigan kong hanapin ang Dios kahit sa gitna ng masalimuot na paglilinis. Pagkalipas ng ilang panahon, nag-post ang kaibigan ko ng mga larawan ng mga talata mula sa Biblia na kanyang natagpuan sa mga hamba ng pinto ng kanilang bahay, na tila isinulat noong itinayo ang bahay nila. Nagbigay sa kanya ng kaaliwan ang pagbabasa ng mga iyon.
Maaaring nagmula sa utos ng Dios sa Israel ang tradisyon ng pagsusulat ng mga talata mula sa Biblia sa mga hamba ng pinto. Inutusan ng Dios ang mga Israelita na ipaskil ang Kanyang mga utos sa mga hamba ng pinto bilang paraan ng pag-alala kung sino Siya. Sa pamamagitan ng pagsulat ng mga utos sa kanilang mga puso (ᴅᴇᴜᴛᴇʀᴏɴᴏᴍɪᴏ 6:6), pagtuturo nito sa kanilang mga anak (ᴛᴀʟ. 7), paggamit ng mga simbolo at iba pang paraan upang maalala ang mga utos ng Dios (ᴛᴀʟ. 8), at paglalagay ng mga salita sa mga hamba ng pinto at pasukan (ᴛᴀʟ. 9), laging may paalala ang mga Israelita tungkol sa mga salita ng Dios. Pinayuhan sila na huwag kalimutan ang sinabi Niya o ang kanilang tipan sa Kanya.
Kung ilalagay natin ang mga salita ng Dios sa ating mga tahanan at itatanim ang kahulugan nito sa ating mga puso, makakatulong ito sa atin upang bumuo ng pundasyong nakabatay sa Kanyang katapatan. At magagamit Niya ang mga salitang iyon upang magdala sa atin ng kaaliwan kahit sa gitna ng trahedya o pagkalugi.