Sa nakaraang ilang dekada, natutunan natin ang salitang reboot sa larangan ng pelikula. Sa isang reboot, muling binubuhay ang isang lumang kuwento. Iba’t iba ang paraan ng pag-reboot sa isang kuwento. Pero sa lahat ng reboot, muling isinasalaysay ang kuwento sa bagong paraan. Kumbaga, isang bagong simula.

May isa pang kuwentong may kinalaman sa reboot. Ito ang Magandang Balita ng pagliligtas ni Jesus. Inaanyayahan tayo ni Jesus upang tanggapin ang Kanyang alok na kapatawaran, maging ang buhay na ganap at walang hanggan (ᴊᴜᴀɴ 10:10). Sa aklat naman ng Panaghoy, pinaaalalahanan tayo ni Jeremias na dahil sa pagmamahal ng Dios, may nararanasan tayong “reboot” sa bawat araw: “Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo’y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo’y napakadakila” (3:22–23 ᴍʙʙ).

Inaanyayahan tayo ng biyaya ng Dios na yakapin ang bawat araw bilang isang bagong pagkakataon upang maranasan ang Kanyang katapatan. Kung nabibigatan tayo dahil sa mga bunga ng ating mga pagkakamali o kaya nama’y nahihirapan sa mga kinakaharap nating pagsubok, nariyan ang Banal na Espiritu upang bigyan tayo ng kapatawaran, bagong buhay, at pag-asa sa bawat araw. Bawat araw ay isang reboot, o isang pagkakataon upang sundan ang mga yapak ng ating Dios na Siyang humahabi ng ating mga kuwento batay sa Kanyang kalooban.