Namatay ang ina ni Sara noong labing-apat na taong gulang pa lamang siya. Hindi nagtagal, nawala naman ang kanilang tahanan at naging palaboy sila. Kaya ninais ni Sara na mabigyan ang kanyang magiging mga anak ng pamanang maaaring maipasa sa mga susunod pang henerasyon. Nagsumikap siyang makabili ng bahay upang bigyan ang kanyang pamilya ng matatag na tahanan—isang bagay na hindi niya naranasan noon.
Maituturing na akto ng pananampalataya ang pagtatayo ng tahanan para sa isang kinabukasang hindi pa natatanaw. Gayundin ang nangyari sa propetang si Jeremias. Sinabihan ng Dios si Jeremias na bumili ng lupa bago salakayin ng Babilonia ang Jerusalem (ᴊᴇʀᴇᴍɪᴀꜱ 32:6–12). Bakit siya bibili ng lupa kung masasakop rin naman iyon ng kanilang kaaway? Hindi maunawaan ni Jeremias ang utos ng Dios.
Pero ito ang pangako ng Dios: “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila” (TAL. 42). Pinabili ng Dios si Jeremias ng lupa bilang patunay na tutuparin Niya ang Kanyang pangako. Kahit na makaranas sila ng pagsalakay sa kasalukuyan, darating muli ang kapayapaan sa hinaharap. Maibabalik sa kanila ang lahat (ᴛᴀʟ. 43–44).
Maaari tayong magtiwala sa katapatan ng Dios at piliing patatagin ang ating pananampalataya. Hindi man natin makitang mabuo o mabalik sa dati ang bawat pangyayari dito sa mundo, may katiyakan tayong darating ang panahong itatama ng Dios ang lahat ng bagay.