“Huwag kang matakot sa kamatayan, Winnie. Matakot ka sa nasayang na buhay.” Linya iyan ni Angus Tuck sa isinapelikulang librong Tuck Everlasting. Sa kuwento, naging imortal ang pamilya Tuck kaya hindi sila namamatay. Mahal ng batang si Jesse Tuck si Winnie kaya nagmakaawa siyang subukan din ni Winnie na maging imortal para walang hanggan silang magsasama. Pero alam ni Angus na hindi makapagbibigay ng tunay na kasiyahan ang basta mabuhay nang walang hanggan.
Itinuturo ng kultura nating magiging masaya tayo kung walang hangganan ang kalusugan, kabataan, at lakas natin. Pero hindi sa mga iyan natatagpuan ang tunay na kasiyahan. Bago ang pagpapakasakit sa krus, ipinagdasal ni Jesus ang mga alagad Niya at ang mga magtitiwala sa Kanya sa hinaharap. Sabi Niya sa Ama, “At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala Ka nila na iisang tunay na Dios, at si Jesu-Cristo na Iyong isinugo” (JUAN 17:3). Galing ang tunay na kasiyahan sa pagkakaroon ng relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus. Siya ang pag-asa natin para sa hinaharap at ligaya para sa kasalukuyan.
Ito ang bagong buhay na nais ni Jesus para sa mga alagad Niya: sundin ang salita ng Dios (TAL. 6), maniwalang isinugo si Jesus ng Dios Ama (TAL. 8), at magkaisa (TAL. 11). Bilang nagtitiwala kay Cristo, maging sabik tayo sa walang hanggang buhay sa piling Niya. Pero kahit ngayon, habang nandito pa tayo sa mundo, maaari nang mapasaatin ang pangako Niyang “buhay na masaganang lubos” (10:10).