Nakakasindak ang krimen, at nahatulan ang kriminal na makulong habambuhay. Sa paglipas ng mga taon, habang mag-isa sa bartolina, nagsimulang maghilom ang pag-iisip at espiritu niya. Pinagsisihan niya ang mga kasalanan niya at nagkaroon siya ng relasyon kay Jesus. Kinalaunan, pinayagan siyang makasalamuha ang mga kapwa preso. Sa awa ng Dios at sa pagbabahagi niya, naintindihan ng ibang bilanggo ang pagpapatawad ng Dios. Tinanggap din nila si Cristo bilang Tagapagligtas.

Sa Biblia naman, nakagawa rin ng krimen si Moises. Nasaksihan niya “ang isang Egipcio na hinahagupit ang isang Hebreo” (EXODUS 2:11). “Luminga-linga” siya upang tiyaking walang nakakakita at pagkatapos, “pinatay niya ang Egipcio” (TAL. 12). Pero hindi sinukuan ng Dios si Moises sa kabila ng kasalanan nito. Paglipas ng mga taon, pinili ng Dios si Moises para palayain ang mga hinirang Niya mula sa pang-aapi ng mga Egipcio (3:10). Ayon sa Roma 5:14, “Naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Dios.” Pero dagdag ni Apostol Pablo, dahil sa “kagandahang-loob ng Dios,” maaari tayong mabago at magkaroon ng relasyon sa Dios (TAL. 15-16 ᴍʙʙ).

Siguro naiisip nating dahil sa kasalanan natin, hindi na tayo puwedeng mapatawad ng Dios. O maging kagamit-gamit para sa ikararangal Niya. Pero dahil sa kagandahang-loob ng Dios at sa pamamagitan ni Jesus, puwede tayong mabago at mapalaya para tumulong rin sa pagbabago ng iba.