Isang linggo pagkatapos kong maging lider ng mga kabataan sa simbahan at makilala ang ilan sa kanila, nakita ko ang isang dalagitang nakaupo sa tabi ng nanay niya. Nakangiti ko siyang binati. Binanggit ko ang pangalan niya at kinumusta siya. Nanlaki ang magaganda niyang mata. Ngumiti siya at sinabi, “Natatandaan mo ang pangalan ko.” Sa simpleng pagtawag ko sa pangalan niya, naramdaman ng batang itong mahalaga siya. Nagtiwala siya sa akin dahil naramdaman niyang nakikita siya at pinahahalagahan.
Iyan din ang mensahe ng Dios sa mga Israelita sa Isaias 43 sa pamamagitan ni Propeta Isaias. Sinabi ng Dios na nakikita Niya sila at pinahahalagahan. Kahit sa panahon ng pagkabihag at pamamalagi sa disyerto, nakikita sila ng Dios at alam Niya ang pangalan ng bawat isa (TAL. 1). Hindi sila estranghero. Nakikilala sila ng Dios. Maaaring pakiramdam nilang para silang tinalikuran ng Dios. Pero ang totoo, mahalaga sila at iniibig ng Dios (TAL. 4). Bukod sa paalalang alam Niya ang pangalan nila, sinabi rin ng Dios ang gagawin Niya para sa kanila, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Sasamahan Niya sila sa pagharap sa pagsubok (TAL. 2). Hindi nila kailangang matakot o mag-alala dahil alam ng Dios ang pangalan nila.
Alam ng Dios ang pangalan ng bawat anak Niya. Magandang balita ito lalo na kapag dumadaan tayo sa mga mahihirap na pagsubok.