Isang mahusay na dalagita ang ilang beses nang naging kampeon sa sports na figure skating. Kasali siya sa Winter Olympics at inaasahang siya ang mananalo ng gintong medalya. Pero batay sa isang pagsusuring isinagawa sa mga manlalaro, lumabas na gumagamit siya ng gamot na ipinagbabawal sa mga atletang katulad niya. Nang magsimula ang paligsahan, maraming beses siyang nahulog at hindi siya nanalo. Kung dati ay malaya niyang naipapakita ang husay niya sa pag-skate, ngayon ay tila nakagapos ang kanyang pangarap dahil sa akusasyong hindi niya pagsunod sa patakaran.

Mula pa sa simula, ipinakita na ng Dios ang kahalagahan ng pagsunod sa Kanya sa kabila ng pagkakaroon natin ng kalayaang pumili. Nagdulot ng masamang epekto kay Adan, kay Eba, at sa sangkatauhan ang pagsuway. Dumating ang kahirapan at kamatayan sa mundo dahil sa kasalanan (GENESIS 3:6-19). Hindi sana ito nangyari kung sumunod sina Adan at Eba sa Dios. Sinabi sa kanila ng Dios, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama” (2:16-17). Sa pagnanais na mabuksan ang isip at maging katulad ang Dios, kinain nila ang bunga ng punongkahoy (3:5, 2:17). Kasunod nito ang pagdating ng kasalanan, kahihiyan, at kamatayan.

Binigyan tayo ng Dios ng kalayaan at mga mabubuting bagay para sa ating kasiyahan (JUAN 10:10). Dahil mahal Niya tayo, nais Niyang sumunod tayo sa Kanya para sa ikabubuti natin. Tulungan nawa tayo ng Dios na piliing sumunod sa Kanya at maranasan ang buhay na masaya at may kabuluhan.