Mag-isang kumakain ng hapunan si Hui-Liang. Kapitbahay niya ang pamilya Chua, at masaya silang naghahapunan nang sama-sama. Dinig na dinig mula sa bahay ni Hui-Liang ang tawanan at masayang kuwentuhan ng pamilya Chua. Nang pumanaw kasi ang asawa ni Hui-Liang, palagi na siyang malungkot at mag-isa. Sa paglipas ng panahon, lalong naging malungkot na alaala kay Hui-Liang ang pagpanaw ng kanyang asawa.

Bago matulog si Hui-Liang nang gabing iyon, binasa niya ang Salmo 23. Paborito niya rito ang sinabi sa talata 4, “Ikaw ay kasama ko.” Tungkol ang salmong ito sa paghahalintulad ni David sa Panginoon bilang pastol. Kung paanong inaalagaan at sinusubaybayan ng pastol ang kanyang kawan, ganoon din naman ang pag-aaruga sa atin ng Panginoon (TAL. 2-5). Nakapagbigay kapayapaan kay Hui-Liang ang katotohanang palagi niyang kasama ang Panginoon at sinusubaybayan siya.

Masaya sa pakiramdam kapag alam nating palagi tayong may kasama sa mga panahong nalulungkot tayo. Nangako ang Panginoon na palaging sasaatin ang Kanyang tapat na pag- ibig (SALMO 103:17). Hindi Niya tayo iiwan o pababayaan man (HEBREO 13:5). Tuwing nalulungkot tayo, isaisip nating palagi nating kasama ang Dios.