Sabik ako sa unang pagsuot ko ng aking salamin sa mata. Pero makalipas ang ilang oras, gusto ko na itong itapon. Sumakit kasi ang ulo at mga mata ko, parang puputok sa bagong grado nito. Hindi pa ako sanay. Maging ang frame ay masakit sa tenga. Kinabukasan, napabuntong-hininga ako nang maisip kong kailangan ko ulit itong isuot. Araw-araw ko itong ginamit, at unti-unti na akong nasanay. Ilang linggo rin ang lumipas bago ko napansin na hindi ko na ramdam na suot ko ito.

Kapag may mga bago tayong isinusuot, minsan kailangan ng panahon para masanay tayo rito. Hanggang sa maging bahagi na ito ng ating buhay. Sa Roma 13, sinabi ni Apostol Pablo sa mga tagasunod ni Cristo na “isuot na ang kabutihan bilang panlaban” (TAL. 12), at mamuhay sa katuwiran. Nagtitiwala sila kay Jesus, ngunit tila nanlamig sila sa kanilang pananampalataya at naging kampante sa paggawa ng kasalanan. Kailangan nilang “gumising” at kumilos—mamuhay nang tama at talikuran ang kasalanan (TAL. 11-13). Sinabi rin ni Pablo na “isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo” upang maging kawangis sila ni Jesus sa kanilang pag-iisip at mga gawa (TAL. 14 abab).

Hindi natin agad-agad magagaya ang pag-ibig, kabutihan, kahinahunan, at katapatan ni Jesus. Isa itong proseso. Kailangan, araw-araw nating piliing “isuot... ang kabutihan,” kahit na minsan ay hindi komportable. Ngunit sa patuloy nating pagsunod sa Kanya, binabago Niya tayo para sa ikabubuti natin.