Uminom ng kape sa tabing kalsada si Lando, isang jeepney driver sa Maynila. May mga pasahero na ulit matapos ang lockdown. May palaro rin noon, kaya mas maraming pasahero. Naisip niya, “Makakabawi na rin ako sa mga nawalang kita. Sa wakas, hindi ko na kailangang mag-alala.” Papalarga na siya nang mapansin niya si Ronnie, isang tagawalis sa kalye. Mukhang mabigat ang dinadala nito at kailangan ng kausap. “Pero mahalaga ang bawat minuto,” naisip ni Lando. “Mas maraming pasahero, mas maraming kita. Hindi ako pwedeng magtagal.” Pero naramdaman niyang nais ng Dios na lapitan niya si Ronnie. At ginawa niya ito.
Alam ni Jesus na mas madali sa atin ang mag-alala (MATEO 6:25-27). Kaya tinitiyak Niya na alam ng ating Amang nasa langit ang lahat ng ating pangangailangan (TAL. 32). Pinapaalalahanan Niya tayong huwag mangamba. Sa halip, magtiwala at italaga ang ating sarili sa paggawa ng Kanyang kalooban (TAL. 31-33). Habang isinasabuhay at sinusunod natin ang nais Niya, makatitiyak tayong “kung dinadamitan ng Dios... ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, [tayo] pa kaya?” (TAL. 30). Ibibigay Niya ang ating pangangailangan ayon sa Kanyang kalooban.
Sa pag-uusap nina Lando at Ronnie, nagtiwala si Ronnie kay Cristo bilang Tagapagligtas. Ibinahagi ni Lando, “Nagpadala pa rin ang Dios ng sapat na pasahero noong araw na iyon. Pinaalala Niya sa aking Siya ang bahala sa aking mga pangangailangan. Ang tungkulin ko lang ay sumunod sa Kanya.”
