Ilang taon na ang nakararaan, naanyayahan ang aming kapulungan upang magpatira ng mga refugee (mga dayuhang kumakanlong sa ibang bansa). Kinailangan ng mga refugee na lisanin ang kanilang bansa dahil sa kaguluhan na bunga ng pagpapalit ng pinuno ng pamahalaan. May mga pamilyang isang maliit na bag lang ang dala. Marami sa amin ang nagbukas ng sariling tahanan sa kanila, kahit na maliit lang ang bahay ng iba.
Nasasalamin sa mabuting pagtanggap sa mga refugee ang tatlong utos ng Dios sa mga Israelita noong nakapasok na sila sa lupang ipinangako para sa kanila (DEUT. 24:19-21). Bilang isang pamayanang nagsasaka, batid nila ang kahalagahan ng ani. Kailangan nila ang pananim para maitawid sila hanggang sa susunod na taon. Kaya bukod sa utos ng Dios na “iwan na lang ninyo” kapag may naiwan “para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda” (TAL. 19), nakapaloob rin doon ang ikalawang utos ng Dios na magtiwala sila sa Kanya. Hindi sila magbibigay dahil lang mayroon sila, kundi dahil nagtitiwala sila sa pagtutustos ng Dios. Ikatlo, paalala rin iyon na “alipin [sila] noon sa Egipto” (TAL. 18, 22). Dati silang mga api at naghihikahos. Pag-alala ang pagiging mapagbigay nila sa kagandahang-loob ng Dios na nagpalaya sa kanila mula sa pagkakaalipin.
Hinihikayat rin ang mga tagasunod ni Jesus na maging mapagbigay. Paalala ni Apostol Pablo sa 2 Corinto 8:9, “kahit na mayaman [si Jesu-Cristo] doon sa langit ay nagpakadukha Siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.” Nagbibigay tayo dahil nagbigay Siya sa atin.
