Nag-isip ng mga paraan ang may-ari ng taniman para maghanda sa pagbebenta ng mga puno ng peach. Ihihilera ba nang maganda ang maliliit na puno na nakalagay sa sako o gagawa ng makulay na katalogo ng mga puno ng peach sa iba’t ibang panahon ng paglaki?

Sa wakas naisip niya kung ano ang makabebenta sa puno ng peach: ang bunga – masarap, mabango, matingkad na kulay kahel na balat. Ang pinakamainam na paraan – pumitas ng hinog na bunga, hiwain hanggang sa tumulo ang katas sa braso, at iabot ang isang hiwa sa bibili. Kapag natikman ang bunga, gugustuhin nila ang puno.

Nagpakilala rin ang Dios na balot ng bungang espirituwal sa mga tagasunod Niya: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili (Galacia 5:22-23). ‘Pag nakita ang mga iyan sa mga nakay Jesus, gugustuhin din iyan ng iba at hahanapin ang Pinagmulan nito.

Ang Bunga ang panlabas na resulta ng panloob na relasyon sa Banal na Espiritu. Ito ang kumakaway sa iba na kilalanin ang Dios na kinakatawan natin. Tulad ng bunga ng puno ng ‘peach’ na nangingibabaw sa mga luntiang dahon, ipinapahayag din ng bunga ng Espiritu sa nagugutom na mundo, “May pagkain dito! May buhay dito! Lumapit kayo para malayo sa pagod at panghihina ng loob. Halika, kilalanin mo ang Dios!”