Binata si Guy Bryant. Nagtatrabaho siya sa departamento ng kapakanan ng bata ng lungsod ng New York sa Amerika. Araw-araw kinakaharap niya ang matinding pangangailangan para sa foster parent na kukupkop at mangangalaga ng mga bata. Nagdesisyon siyang tugunan ito at sa loob ng mahigit na isang dekada, nangalaga siya ng higit limangpung bata – minsan pa nga siyam sabay sabay.

“Tuwing lingon ko may batang nangangailangan ng matutuluyan. Kung may lugar sa bahay at puso, gawin na.” Ito ang paliwanag niya sa desisyon niya. May susi pa rin sa bahay niya ang mga foster children na inalagaan niya na lumaki at nagsarili na. Madalas bumibisita sila kapag Linggo para kumain kasama si “Pops.” Naging tatay nga sa maraming bata si Bryant.

Ayon sa Biblia, hinahanap ng Dios ang mga tao na nakalimutan o mga isinantabi na. Sa buhay natin dito sa mundo, maaaring dumanas ng hirap ang ilan sa mga na kay Cristo pero pangako ng Dios na lagi tayong sasamahan. Siya ang Ama ng mga ulila (Salmo 68:5). Kung mag-isa tayo, dahil man sa pagpapabaya o trahedya, nandiyan pa rin ang Dios – inaabot tayo at inilalapit sa Kanya, at binibigyan tayo ng pag-asa. “May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot” (Tal. 6). Dahil kay Jesus, pamilyang espirituwal natin ang iba pang sumasampalataya sa Kanya.

Ano man ang kuwento ng ating pamilya – pagkakahiwalay, kapabayaan, o kamalian sa pakikipag-ugnayan – may nagmamahal sa atin. May tatay tayo – ang Dios.