Sabi ni Zhang, lumaki siyang “walang Dios, walang relihiyon, wala.” Noong 1989, dahil nais nila ng demokrasya at kalayaan sa bansa, tumulong siyang pamunuan ang mga mag-aaral para sa mapayapang protesta. Pero pagsupil ang naging tugon ng pamahalaan at maraming nasawi. Si Zhang ikinulong. Nang makalabas, nagtungo siya sa isang malayong nayon at doon nakilala niya ang matandang magsasakang nagpakilala kay Jesus sa kanya.

Mayroon itong sulat-kamay na kopya ng Aklat ni Juan pero hindi marunong magbasa. Ipinabasa niya ang aklat kay Zhang at habang binabasa, ipinapaliwanag naman niya. Nagtiwala na rin si Zhang kay Jesus makalipas ang isang taon.

Sa mga pinagdaanan niya, kita ni Zhang na inaakay siya ng kapangyarihan ng Dios tungo sa katotohanan ng krus ni Jesus. Naranasan niya ang sinabi ni Apostol Pablo, “Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay ...kapangyarihan ng Dios” (1 COR. 1:18). Ang itinuturing ng iba na kahangalan at kahinaan, naging kalakasan ni Zhang. Ganito rin ang pag-iisip ng iba sa atin bago natin nakilala si Jesus. Pero sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, naranasan natin ang kapangyarihan at katalinuhan ng Dios na inilalapit tayo kay Jesus. Ngayon naglilingkod si Zhang bilang pastor at ipinapahayag niya ang katotohanan ng krus ni Jesu-Cristo sa lahat ng nais makinig.

May kapangyarihan si Jesus na baguhin kahit ang pinakapusong bato. Sino ang nangangailangan ng pagkilos Niya ngayon?