Sinabi ng astronaut na si Charles Frank Bolden Jr., na nagbago ang pagtingin niya sa mundo nang unang beses siyang pumunta sa kalawakan. Nang tingnan niya ang mundo mula sa malayo, payapa ito at napakagandang tingnan. Pero nang mapatapat sila sa mga bansa sa Gitnang Silangan at naalaala niya ang kaguluhan doon, muling bumalik sa isip niya ang tunay na kalagayan ng mundo. Nang may kumapanayam sa kanya, binanggit niya ang pangyayaring nakita niyang payapa at maganda ang mundo na kung tutuusin ay siyang dapat na maging kalagayan ng mundo. Sinabi pa ni Charles na gagawin niya ang kanyang makakaya para bumuti ang kalagayan ng mundo.
Nang ipanganak si Jesus sa Betlehem, ang kalagayan ng mundo ay hindi na naaayon sa layunin ng Dios para dito. Masasama na ang ginagawa ng mga tao at malayo ang puso nila sa Dios nang dumating si Jesus para bigyan sila ng buhay at liwanag (Juan 1:4). Kahit hindi nagtiwala kay Jesus ang lahat ng tao, binigyan naman Niya ng karapatang maging anak ng Dios ang sinumang nagtiwala sa Kanya (talatang 12).
Nalulungkot tayo sa mga nangyayaring hindi maganda tulad ng mga nasisirang pamilya, mga nagugutom na bata at mga giyera. Pero ipinangako ng Dios na sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus, ang bawat isa ay maaaring makapagsimula ng bagong buhay.
Ipinapaalala ng panahon ng kapaskuhan na si Jesus na ating Tagapagligtas ang nagbibigay ng buhay at liwanag sa sinumang magtitiwala at susunod sa Kanya.