Ang aking asawa ay nangangasiwa sa isang kapulungan ng mga sumasampalataya kay Jesus. Isang gabi may tumawag sa kanya sa telepono. Dinala daw sa ospital ang isa sa mga babaing masipag manalangin sa kapulungan namin. Mga 70 taon na siya at nag-iisa lang sa bahay. Malubha ang sakit niya. Hindi na siya makakain at makainom. Hindi na din siya makakita at makalakad. Hindi din namin alam kung mabubuhay pa siya. Humingi kami ng awa at tulong sa Dios. Alalangalala kami sa kanyang kalagayan. Marami sa amin ang nagpalit-palitan para hindi siya mawawalan ng kasama sa ospital. Ipinadama din namin sa ibang mga pasyente, maging sa mga dumadalaw at sa mga nagtatrabaho sa ospital na mahal sila ng Panginoon.
Hinikayat ng apostol na si Santiago ang mga mananampalataya na dapat nilang pagmalasakitan ang mga nangangailangan ng tulong. Nais ni Santiago na hindi lang sila maging tagapakinig ng Salita ng Dios kundi dapat din nila itong isagawa (Santiago 1:22-25). Binanggit niya na kailangan nilang tulungan ang mga ulila at mga balo (talatang 27). Sila ang mga kawawa at sobrang mahihirapan kung walang tutulong sa kanila.
Ano ang ginagawa natin kapag may nangangailangan ng tulong? Alam ba natin na mahalagang pagmalasakitan ang mga balo dahil naipapakita nito ang pagtitiwala natin sa Panginoon? Nawa’y ipakita sa atin ng Dios ang mga oportunidad para makatulong tayo sa mga nangangailangan.