Si Antonio Caso ay dalubhasa sa pagsasaliksik ng mga sinaunang lungsod. Noong 1932, natuklasan niya sa bayan ng Monte Alban sa Mexico ang isang libingang tinatawag na Tomb 7. Sa loob nito ay maraming mga sinaunang gamit at mga alahas. Tinawag ito ni Caso na Kayamanan ng Monte Alban. Hindi siguro mailarawan ang tuwa sa mukha ni Caso nang hawakan niya ang isa sa mga kayamanang iyon.
Ilang daang taon na ang nakalipas, may sinabi ang sumulat ng ika-119 kabanata ng Awit tungkol sa kayamanan na mas mahalaga pa kaysa sa ginto at iba pang mamahaling bato. Sinabi niya, “Nagagalak ako sa Iyong salita na parang nakatuklas ng malaking kayamanan” (Awit 119:162 ASD). Alam ng sumulat ng Awit na napakahalaga ng utos at pangako ng Dios kaya inihalintulad niya ito sa malaking kayamanan.
Nakilala si Antonio Caso nang dahil sa Tomb 7. Makikita natin ang mga kayamanang natuklasan niya sa isang museo sa Mexico. Ang kayamanang binanggit naman ng sumulat ng Awit ay abot-kamay lang natin. Sa pagbabasa natin ng Biblia, para tayong naghuhukay ng kayamanan at mayroon tayong makikita doon na mga pangako ng Dios, pag-asa at walang hanggang karunungan na tila mga mamahaling bato. Pero ang pinakamahalagang matutuklasan natin sa Biblia ay kung sino si Jesus na siyang may-akda ng Biblia.