Noong bata pa ako, gustung-gusto kong basahin ang mga librong isinulat ni L. Frank Baums na Land of Oz. Minsan, binasa ko uli ang Rinkintik in Oz. Mabait at mapagpakumbaba si Haring Rinkintik. Nakakatawa nga lang ang kanyang mga ginagawa. Sinabi ng isang batang prinsipe na si Inga na mabait at mahinahon si Haring Rinkintik. Mas mabuti daw iyon kaysa sa pagiging matalino. Kay ganda ng sinabing iyon ni Prinsipe Inga.
Lahat siguro sa atin ay nakasakit na ng damdamin ng taong malalapit sa atin nang dahil sa ating sinabi. Kapag may nasaktan nang dahil sa sinabi natin, nagiging problema iyon at ang mabuting bagay na ginawa natin para sa kanila ay nakakalimutan na. Sinabi ng isang manunulat na kahit maliit na bagay lang ang nagawa natin na hindi nagpapakita ng pagiging mabait, isa na itong malaking kasalanan para sa iba.
Alam n’yo, kahit sino sa atin ay puwedeng maging mabait. Maaaring hindi natin kayang magmensahe, makasagot sa mga mahihirap na tanong at magsabi sa harap ng maraming tao ng tungkol kay Jesus pero ang pagiging mabait ay makakaya nating gawin.
Paano? Idalangin natin: “PANGINOON, tulungan N’yo akong huwag makapagsalita nang masama. Ilayo N’yo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito” (Awit 141:3-4 ASD). Marami nang hindi mabait sa panahon ngayon kaya magandang ipadama natin sa kanila ang kabaitang nagmumula sa Dios.