May nakita akong leon, tigre at oso na magkakalaro. Hindi pangkaraniwan ang ganoon pero nangyayari iyon araw-araw sa Noah’s Ark Animal Sanctuary. Isang lugar ito kung saan inaaruga ang mga hayop. Noong 2001, kinupkop sa lugar na iyon ang tatlong hayop na iyon. Dahil parang isang pamilya sila nang dalhin doon, hindi na sila pinaghiwalay. Noong panahong hindi maganda ang pagtrato sa kanila ng mga tao, napapagaan ng tatlong hayop ang loob ng isa’t isa. Kahit magkakaiba sila, magkakasundo naman sila at nagkakaisa.
Ang pagkakaisa ay isang mabuting bagay. Ang pagkakaisa naman na binanggit ng apostol na si Pablo sa mga sumasampalataya kay Jesus na nakatira sa Efeso ay naiiba. Hinikayat niya kasi sila na dapat mamuhay ayon sa nais ng Dios sa kanila bilang isang katawan (Efeso 4:4-5). Tapos, makakapamuhay sila nang may pagkakaisa sa tulong ng Banal na Espiritu. Bukod doon, habang nagkakaisa sila ay matututo silang magpakumbaba, maging mahinahon at mapagpasensya. Nakakatulong sa mga mananampalataya ang pagkakaroon ng ganoong mga ugali para mahalin nila ang isa’t isa (talatang 2).
May mga pagkakaiba ang mga sumasampalataya kay Jesus pero sa kabila nito ay ipinagkasundo sila sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng ating Tagapagligtas na si Jesus. Ipinagkasundo din sila sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanilang mga buhay.