Ang Walt Disney Studios ang kauna-unahang gumamit ng tinatawag na stereophonic sound. Sa ganitong paraan, hindi lang sa isang direksyon nagmumula ang tunog kundi naririnig ito sa buong paligid.
Noong panahon ng Lumang Tipan ng Biblia, may gumawa na nang ganoong paraan para ang tunog ay hindi lang sa isang direksyon nanggagaling. Nang ipagpapasalamat na ng mga Israelita sa Dios ang natapos na pader, may dalawang grupo ng mang-aawit na pinatayo si Gobernador Nehemias sa katimugang bahagi ng pader ng Jerusalem. Tapos, lumakad patungo sa kaliwa ang isang grupo at sa kanan naman ang isa. Sa pamamagitan nito ay narinig sa buong Jerusalem ang pag-awit nila ng papuri sa Dios habang naglalakad patungo sa templo (talatang 31, 37-40).
Nang marinig ng mga Israelita ang mga mang-aawit, nagsaya sila “dahil lubos silang pinagalak ng Dios…Ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo” (Nehemias 12:43 ASD). Inawitan nila ng papuri ang Dios dahil tinulungan sila ng Dios sa mga tumutuligsa sa kanila nang ginagawa pa nila ang pader. Pinuri din nila ang Dios dahil natapos nila ang pader sa tulong Niya.
Ano ang ibinigay sa atin ng Dios na sa sobrang tuwa ay pinuri natin Siya? Hindi man natin maiparinig sa buong paligid ang ating pagpupuri sa Dios, may makakarinig pa din ng ating pagpupuri at sa pamamagitan nito ay malalaman nila ang mga ginagawa ng Dios sa buhay natin.