Ang kantang If We Make It Through December ay tungkol sa isang lalaking natanggal sa trabaho at walang pambili ng papasko para sa kanyang anak. Bagamat masaya ang mga tao kapag nalalapit na ang Pasko, nalulungkot naman ang lalaki.
May mga nararamdaman tayong lungkot o panghihina ng loob sa buong taon pero kung mararanasan natin ito sa buwan ng Disyembre, mahirap yata iyon. Inaasam kasi natin na magiging masaya tayo sa Pasko. Kapag hindi nangyari ang ating inaasahan, mas lalo tayong nalulungkot. Kailangan natin ng magpapalakas ng ating loob.
Si Jose na taga Cyprus na binanggit sa Biblia ay isa sa mga unang naging tagasunod ni Jesus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Bernabe ay nagpapalakas ng loob. Nagbenta siya ng kanyang lupain at ibinigay niya sa mga apostol ang pera (Gawa 4:36-37) para makatulong sa mga nangangailangang tagasunod ni Jesus. Nang natatakot naman ang mga tagasunod ni Jesus kay Saul na nagpapahirap sa kanila, isinama ni Bernabe si Saul sa mga apostol. Sinabi niya sa mga apostol na nagbago na si Saul (Gawa 9:26-27).
Maraming tao ang nangangailangan ng pampalakas ng loob. Mapapalakas natin ang kanilang loob kung tamangtama para sa kanila ang ating sinabi, kung tatawagan natin sila sa telepono o kaya naman ay kapag idinadalangin natin sila. Makakatulong ang mga bagay na ito para lalo silang magtiwala sa Panginoong Jesus.