Si Charles Lowery ay manunulat sa isang magasin. Idinaing niya sa kanyang kaibigan ang pananakit ng kanyang likod. Inasahan niyang maaawa ang kanyang kaibigan pero ganito ang sinabi nito sa kanya: “Sa palagay ko’y hindi likod ang problema mo kundi tiyan. Sa sobrang laki ng tiyan mo, nahihirapan na ang likod mo.”
Isinulat ni Charles sa isang magasin na sinikap niyang huwag sumama ang loob sa sinabing iyon ng kaibigan niya. Sa halip ay nagbawas siya ng timbang at nawala ang pananakit ng likod niya. Napag-isip-isip ni Charles na “mas mabuti ang pagsaway na hayagan” at “ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan” (Kawikaan 27:5-6 ASD).
Ang problema lang sa atin ay ayaw natin nang napupuna tayo. Kapag pinuna tayo, nasasaktan tayo at marahil, baka ayaw din nating magbago.
Ayaw ng mga totoong kaibigan na saktan tayo pero hindi nila kayang hindi sabihin sa atin ang totoo. Malakas ang loob nila na sabihin ang mga bagay na ayaw nating tanggapin at gawin. Hindi lang ang mga gusto nating marinig ang sinasabi nila kundi maging ang mga kailangan nating marinig.
Sa mga isinulat ni Haring Solomon sa aklat ng Mga Kawikaan sa Biblia ay may sinabi siyang maganda tungkol sa mga tunay na kaibigan. Pero mas naipakita ni Jesus ang pagiging isang tunay na kaibigan. Tiniis Niya ang sakit nang tanggihan Siya ng mga tao para masabi sa atin ang mga katotohanan tungkol sa ating sarili at para maipakita sa atin kung gaano Niya tayo kamahal.