Madalas na ginagamit ng Dios ang ating pananalangin sa pagsasakatuparan ng mga nais Niyang gawin. Makikita natin ito nang ipinangako ng Dios sa propetang si Elias na magpapadala Siya ng ulan para matigil na ang tagtuyot na tumagal nang tatlo at kalahating taon (Santiago 5:17). Kahit ipinangako ng Dios na darating na ang ulan, idinalangin pa din ito ni Elias. Umakyat siya sa Bundok ng Carmel, sumubsob sa lupa na ang mukha ay inilagay niya sa pagitan ng kanyang mga tuhod (1 Hari 18:42). Habang nananalangin, inutusan ni Elias ang lagi niyang kasama na tanawin ang dagat at tingnan kung may palatandaan na uulan na. Pitong beses naman itong ginawa ng kasama ni Elias (talatang 43).
Alam ni Elias na nais ng Dios na magkaroon tayo ng bahagi sa Kanyang gagawin sa pamamagitan ng pananalangin nang may kapakumbabaan at pagtitiyaga. Maaaring gamitin ng Dios ang ating pananalangin para gumawa Siya ng mga bagay na kamangha-mangha. Ito ang dahilan kung kaya’t sinabi ng apostol na si Santiago na “malaki ang nagagawa ng taong matuwid. Si Elias ay isang tao na katulad din natin” (Santiago 5:16-17 MBB).
Kung gusto nating paglingkuran ang Dios sa pamamagitan ng pananalangin tulad ng pananalangin ni Elias, may pribilehiyo tayong makakamit. Baka may makita tayong himala.