Ang mga nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo ay ibinabalita sa internet, telebisyon, radyo at kahit sa cellphone. Halos lahat ng balita ay masama pero kung minsan, sa kabila ng mga masamang nangyari ay mayroon ding magandang naibabalita tulad ng pagkakaroon ng lunas sa isang sakit na nakamamatay at iba pa.
May mababasa tayo sa Biblia, sa aklat ng Nahum at aklat ng Isaias na nagbibigay ng pag-asa sa mga taong nahihirapan na sa kanilang kalagayan.
Sinabi sa aklat ng Nahum: “Masdan mo’t dumarating na mula sa kabundukan ang tagapaghatid ng Magandang Balita. Nasa daan na siya upang ipahayag ang kapayapaan” (Nahum 1:15 MBB).
Ang sinabing iyon ni Nahum ay nagbigay ng pag-asa sa mga Israelitang pinagmamalupitan ng isang masamang bansa. May pagkakatulad din ito sa sinabi ng propetang si Isaias: ‘O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan at nagdadala ng Magandang Balita” (Isaias 52:7 MBB).
Ang sinabing iyon ng mga propetang sina Nahum at Isaias ay natupad nang sabihin ng mga anghel sa mga pastol: “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon” (Lucas 2:10-11 MBB).
Ang pinakamahalagang balita sa lahat ay nang ibalitang isinilang na si Cristo na magliligtas sa atin sa kaparusahan sa kasalanan.