Nababalot ng ulap ang paligid kung kaya’t madilim-dilim pa kahit umaga na. Kinailangan kong magbukas ng ilaw para mabasa ko ang aking binabasa. Maya-maya, biglang lumiwanag na. Tinatangay na ng hangin ang mga ulap kung kaya’t nalantad na ang araw.
Lumapit ako sa bintana para mas lalo kong makita ang pagliwanag. Naisip ko ang sinabi sa Biblia: “Napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw” (1 Juan 2:8 MBB). Isinulat ito ng apostol na si Juan para palakasin ang loob ng mga nagtitiwala kay Jesus. Sinabi pa ni Juan, “Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay namumuhay sa liwanag at walang anuman sa buhay niya na magiging dahilan ng pagkakasala ng kapatid” (talatang 10 ASD). Ang mga nagagalit naman sa kapwa ay inihalintulad ni Juan sa mga gumagala sa dilim. Ang pagkapoot ay nakakapagpagulo ng buhay. Hindi tayo nakakagawa ng tama kapag napopoot tayo.
Hindi laging madali ang magmahal ng kapwa. Pero nang tumingin ako sa bintana, napaalalahanan ako na ang mga kabiguan, pagpapatawad at katapatan ay nakakatulong para mamuhay tayo sa pag-ibig at liwanag ng Dios. Kapag pinili nating magmahal kaysa sa mapoot, ipinapakita natin ang magandang relasyon natin sa Dios. Naipapakita din natin sa mga tao na “ang Dios ay liwanag at walang anumang kadiliman sa Kanya” (1 Juan 1:5 MBB).