Ang paksang tatalakayin ng mga tagapagsalita sa isang camp ay tungkol sa pagpapagaan ng loob ng mga nagtitiwala kay Jesus. Pero iba ang sinabi ng huling tagapagsalita. Pinili niya ang ilang talata sa ikapitong kabanata ng aklat ng Jeremias. Ang pamagat ng kanyang mensahe ay “Hoy, Gising!” Hinamon niya kami na talikuran na ang pagkakasala.
Sinabi niya na ipinagmamalaki daw namin na nagtitiwala kami sa Dios, na mahal kami ng Dios, na hindi kami natatakot sa masama pero may mga ginagawa naman kaming masama. Parang pinagagalitan niya kami pero alam naman namin na nagmamalasakit lang siya sa amin. Sinabi niya na mapagmahal ang Dios pero para din Siyang apoy na nakakatupok. (Basahin ang Hebreo 12:29.) Hindi daw pinalalampas ng Dios ang kasalanan.
Pinagsabihan ng propetang si Jeremias ang mga Israelita. Sinabi niya, “Kayo’y nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal at sumasamba sa ibang mga dios na hindi n’yo nakikilala. Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap Ko rito sa templo…At sinasabi n’yo, ‘Ligtas tayo rito’. At pagkatapos ay ginagawa naman ninyo ang mga bagay na karumal-dumal” (Jeremias 7:9-10 ASD).
Ang sinabi ng nagmensahe ng ‘Hoy Gising’ ay parang gamot na nakakagaling. Isa pa itong paraan ng pagpapagaan ng loob sa atin ng Dios. Kapag tinatamaan tayo sa sinabi ng isang tao, huwag naman sana tayong magagalit o magtataingang-kawali. Sa halip, magkaroon sana ito ng magandang epekto sa atin.