Kapag pinag-uusapan ang tungkol sa pananampalataya kay Jesus, kung minsan ay may mga salita na hindi natin lubusang nauunawaan. Isa sa mga ito ang ‘katuwiran’. Sinasabi natin na ang Dios ay nagtataglay ng katuwiran at ginagawa Niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus pero mahirap itong maunawaan.
Makakatulong ang paraan ng pagsusulat ng mga taga China para maintindihan natin ang ibig sabihin ng katuwiran. Ang salitang katuwiran sa wika nila ay iginuguhit nila sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang salita na katumbas ng tupa at ako. Iginuguhit nila sa bandang itaas ang salitang katumbas ng tupa at sa ilalim ang salitang katumbas ng ako. Nailalarawan nito na nababalot tayo ng katuwiran ni Jesus.
Kordero o tupa ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ang tawag kay Jesus ni Juan na nagbabautismo (Juan 1:29). Kailangang maalis o malinis ang ating mga kasalanan dahil ito ang naghihiwalay sa atin sa Dios. Dahil mahal na mahal tayo ng Dios, si Jesus na walang kasalanan ay “itinuring [ng Dios] na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin [kay Jesus] ay maging matuwid tayo sa harap ng Dios” (2 Corinto 5:21 MBB). Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa atin at ang dugo Niya ang tumabon sa ating mga kasalanan. Ang dugo ni Jesus ang nakikita ng Dios sa mga nagtitiwala kay Jesus at dahil doon ay naging matuwid sila sa paningin ng Dios. Bunga nito, naging maganda na ang kanilang relasyon sa Dios. Ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa Dios ay regalo ng Dios. Si Jesus ang paraan ng Dios para hindi na Niya makita ang ating mga kasalanan.