Sa isang dyaryo ay mababasa ang sinabi ni Albert Einstein sa tagapag-ulat na nagtanong sa kanya noong 1929. Sinabi ni Albert Einstein na isa siyang Judio at noong bata pa siya, marami siyang natutunan sa Biblia at sa isa pang librong pangrelihiyon na tinatawag na Talmud. Sinabi din niya na kapag binabasa ang unang apat na aklat ng Bagong Tipan sa Biblia, imposibleng hindi daw tayo maapektuhan ng mga nabasa tungkol kay Jesus. Hindi daw alamat lang ang tungkol kay Jesus.
Pakiramdam naman ng ibang mga Judiong kababayan ni Jesus na may kakaiba kay Jesus. Nang tanungin ni Jesus ang Kanyang mga alagad kung ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa Kanya, ang sagot ng mga alagad ay may nagsasabing si Jesus daw si Juan na nagbabautismo. May nagsabi na Siya ang propetang si Elias o kaya nama’y ang propetang si Jeremias o isa Siyang propeta (Mateo 16:14). Isang karangalan ang matawag na propeta pero hindi naman iyon ang hinahangad ni Jesus. Gusto Niyang makilala ng mga alagad kung sino Siya at gusto Niyang magtiwala sila sa Kanya kaya nagtanong Siya uli, “Para sa inyo, sino Ako” (talatang 15 MBB).
Tama ang sagot ni Pedro na alagad ni Jesus: "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (talatang 16 MBB).
Inaasam ni Jesus na makilala natin kung sino Siya at maunawaan natin ang pagliligtas Niya sa atin para hindi na tayo maparusahan sa ating mga kasalanan. Kaya dapat alam natin kung sino ba talaga si Jesus.