Nang magdigmaan ang North at South Korea noong 1950, sumabak din sa giyera ang 15 taon na si Kim Chin-Kyung upang ipagtanggol ang South Korea. Nang nasa digmaan na siya, saka lang niya nalaman na hindi pala niya kaya ang madugong labanan. Namatay ang mga kabataang kaibigan niya na kasama niya sa digmaan kaya nagmakaawa siya sa Dios na sana’y makaligtas siya. Ipinangako pa niya na kapag ipinahintulot ng Dios na mabuhay siya, mamahalin niya ang kanyang mga kaaway.
Sinagot naman ng Dios ang panalangin ni Chin-Kyung. Hindi siya namatay at naging doktor pa nga siya. Mahigit animnapung taon na ang nakalipas, marami na siyang natulungang mga ulila sa China at North Korea. Marami din siyang mga natulungan doon na mga kabataan sa pag-aaral. Ang dati niyang mga kaaway ay naging kaibigan niya. Minamahal daw niya ang mga tao dahil naipapakita niya sa pamamagitan nito ang kanyang pananampalataya kay Jesus.
Iba naman ang propetang si Jonas. Galit siya sa mga taga Ninive na itinuturing niyang kaaway. Labag sa loob niya na sundin ang utos ng Dios na mangaral sa bayang iyon at ng sa gayon ay magsisi ang mga ito. Mas gusto pa ni Jonas na mamatay kaysa makitang naaawa ang Dios sa mga kaaway niya (Jonas 4:1 – 2,8).
Kamumuhian din ba natin ang ating mga kaaway o hihingi tayo ng tulong sa Dios para magawa natin silang mahalin tulad ng pagpapadama ng Dios ng kagandahang-loob Niya sa atin.