Si Reverend Martin Niemoller na isang kilalang pastor at isang German ay halos walong taong ikinulong noon ng mga German dahil sa pagtuligsa niya kay Hitler. Noong 1944, bisperas ng Pasko, may sinabi siya para mabuhayan ng pag-asa ang mga kapwa niya nakakulong. Sinabi niya na sa pagsapit ng Pasko, dapat nilang kilalanin ang sanggol na isinilang sa Betlehem. Isinilang Siya dito sa mundo para dalhin ang mabibigat nating pasanin. Sinabi pa niya na ang Dios mismo ay gumawa ng tulay patungo sa atin. Binisita daw tayo ng Dios na kataas-taasan.
Sa araw ng Pasko, inaalala natin ang pagpunta ng Dios dito sa mundo sa pamamagitan ni Jesus. Inalis ni Jesus ang hadlang na nakapagitan sa Dios at sa atin. Ang madilim nating buhay na tila isang bilangguan ay binigyan Niya ng liwanag. Pinasan ni Jesus ang ating mga kalungkutan at maging ang mga bumabagabag sa ating konsensya na nagpapahirap sa atin.
Noong bisperas ng Pasko sa bilangguan nina Reverend Martin Niemoller ay sinabi niya na ang madilim nilang kapaligiran ay naliwanagan din ng liwanag na nakita ng mga pastol. Ang sinabing iyon ni Martin Niemoller ay nagpaalala ng sinabi ng propetang si Isaias: “Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman, sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim” (Isaias 9:2 MBB).
Saan man tayo naroroon, nasisilayan na sa madilim nating mundo ang liwanag at kagalakan na nagmumula kay Jesus.