Nakaratay sa ospital ang aking ama at marami siyang bisita. Ikinuwento ng isa niyang bisita ang nangyari sa sarili noong nasa inuman siya. Pinukpok daw ito ng bote sa ulo at nabasag ang bote. Nagtawanan kami pati ang aking ama kahit nahihirapan ito sa paghinga. Bagamat nahihirapan nang magsalita ang aking ama ay ipinaalala niya sa mga bisita niya na nangangaral ako ng Salita ng Dios kaya dapat silang mag-ingat sa kanilang mga sasabihin. Tumahimik kaming lahat nang dalawang segundo at pagkalipas nito ay lalo silang nagtawanan sa sinabi ng aking ama.
Pagkalipas ng 40 minuto, naging seryoso ang lalaking nagkuwento. Sinabi nito na hindi na siya naglalasing at nakikipag-away sa inuman. Hindi na daw siya ganoon. May panibagong direksyon na daw ang buhay niya. Gusto daw niyang sabihin sa aking ama ang tungkol sa Panginoong Jesus.
Kahit hindi masyadong gustong makinig ng aking ama, sinabi pa din ng lalaki ang tungkol sa Panginoong Jesus. Napakasimple ng kanyang pagsasabi.
Nakinig naman sa kanya ang aking ama at pagkalipas ng ilang taon, nagtiwala sa Panginoong Jesus ang aking ama.
Ang sinabi ng kaibigan ng aking ama ay isang simpleng pagpapahayag ng tungkol sa Panginoong Jesus. Hindi mahirap maintindihan ang pagliligtas ng Dios sa atin. Sumampalataya lang tayo kay Jesus at hindi na Niya hahatulan ang ating mga kasalanan.