Halos isang dosenang bata ang nagkukuwentuhan at naglalaro sa loob ng isang silid ng aming kapilya. Dahil sa dami ng mga bata, mainit na sa loob kaya binuksan ko ang pinto. Sinamantala naman ng isang bata ang pagkakataong iyon para makatakas. Sinundan ko siya at hindi ako nagulat nang pinuntahan niya ang kanyang ama.
Ginawa ng batang iyon ang magandang gawin natin kapag napapagod na tayo sa dami ng mga ginagawa. Tumakas ang bata para puntahan ang kanyang ama. Si Jesus naman ay naghanap ng pagkakataon para makapaglaan ng panahon sa Kanyang Ama sa pamamagitan ng pananalangin. Maaaring sabihin ng iba na ginagawa iyon ni Jesus kapag napapagod na sa dami ng mga ginagawa. Ayon sa aklat ng Mateo, pumunta si Jesus sa isang lugar na malayo sa mga tao pero sinundan pa din Siya ng mga ito. Alam ni Jesus ang pangangailangan nila kaya pinagaling muna Niya sila at pinakain. Pagkatapos nito ay “umakyat Siyang mag-isa sa bundok upang manalangin” (Mateo 14:23).
Paulit-ulit ang pagtulong ni Jesus sa napakaraming tao pero hindi Niya hinahayaan ang sarili na mapagod nang todo at magmadali. Pinahahalagahan Niya ang kaugnayan Niya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin. Ikaw naman? Ano ang ginagawa mo? Naglalaan ka ba ng oras para sa Dios nang sa gayon ay mapalakas ka Niya at mabigyan ng kasiyahan?
Ano ang nakapagbibigay sa iyo nang lubos na kasiyahan – ang matapos ang mga kinakailangang gawin o ang pagpapaganda ng relasyon mo sa Dios?