Ilang taon na ang nakalipas nang kumain kaming magasawa sa isang kainan sa England at may mga nakilala kami sa lugar na iyon. Pagkatapos kumain, nagkuwentuhan kami habang nagkakape. Tinanong namin ang isa’t isa kung ano ang aming mga trabaho. Nang mga panahong iyon, presidente ako ng Moody Bible Institute sa Chicago sa bansang Amerika.
Inaasahan kong hindi nila alam ang tungkol sa pinagtatrabahuan ko o ang nagtatag nito na si D.L. Moody. Pero matapos kong banggitin ang pangalan ng pinagtatrabahuan ko, agad namang nagsalita ang ilan sa kanila, “Si Moody ba iyan na nagpapahayag ng Salita ng Dios na kasama si Sankey na sumusulat ng mga himno? Ito ba ang tinutukoy mong Moody?” Namangha ako na kilala pa rin nila si Dwight Moody at si Ira Sankey. Kahit mahigit 120 taon na ang nakalipas nang pumunta sila Moody at Sankey sa England, mararamdaman pa rin ang kanilang impluwensiya sa buhay ng mga tao roon.
Nagbulay-bulay ako kung paano kaya tayo magkakaroon ng malaking impluwensiya sa iba pati na rin sa mga susunod na henerasyon. May mga tao na malaki ang impluwensiya sa iba. Halimbawa nito ang isang mapanalangining ina, isang katrabaho na laging nagpapalakas ng loob o ang mga nagmamahal sa atin na tumutulong para makita natin ang ating mga pagkakamali. Isa namang malaking pagpapala sa atin ang malaman na tutuparin ng Dios ang Kanyang pangako na “ang Kanyang tapat na pag-ibig...ay [para] sa lahat ng salinlahi” (AWIT 100:5).-7).