Halos may kinalaman sa mga nararanasang sakit at paghihirap ang mga isinulat kong libro. Pero kahit ganoon, nahihirapan pa rin akong unawain kung bakit iyon nangyayari. Marami sa bumabasa ng mga isinulat ko ang mga nagkuwento sa akin ng mga naranasan nila. Ikinuwento ng isang pastor na namamahala sa mga kabataan ang tungkol sa pinagdaanan ng kanyang pamilya. Nagkaroon daw ng malalang sakit na tinatawag na AIDS ang kanyang mag-ina. Nangyari iyon nang masalinan sila ng dugo. Tinanong ako ng pastor, “Paano ko po ngayon masasabi sa iba na nagmamalasakit ang Dios sa atin?”
Hindi ko masasagot kung bakit nangyayari ang mga bagay na iyon. Kung bakit nasalinan ng maruming dugo ang mag-ina niya at dahil doon ay namatay sila. Hindi ko rin masasagot kung bakit bumagyo nang napakalakas sa isang lugar at sa iba naman ay hindi. At kung bakit naman kahit idinadalangin ang may sakit ay hindi pa rin gumagaling.
Noon, hindi ko masagot kung nagmamalasakit nga ba ang Dios. Pero ngayon masasagot ko na ito. Si Jesus ang kasagutan. Kung iisipin natin ang pagmamalasakit ng Dios sa mga pagdurusa na ating nararanasan, alalahanin natin ang buhay ni Jesus. Namatay si Jesus para sa atin.
Nagmamalasakit ba ang Dios? Oo, nalaman natin iyon sa pamamagitan ni Jesus nang ialay Niya sa krus ang Kanyang buhay para sa lahat ng tao. “Sapagkat ang Dios na nagsabi, ‘Magkaroon ng liwanag sa kadiliman’, ang siya ring nagbigayliwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Dios na nahayag kay Jesu-Cristo” (2 CORINTO 4:6 ASD).